Ito ang tinatawag nating, Enrollment part II. Hindi na kuntento ang buhay-irreg sa iisang enrollment lamang maliban nalang kung maswerte ka.
Bale hindi ko kasi naienroll ang lahat ng subjects ko nun kaya hahabol na naman ako sa mga magpapadagdag ng subjects. Kailangan kong dumaan na naman sa napakahabang pila na ito. Tapos, ang naghihintay pa sa dulo ng pilang ito ang tatapos sa paghihirap mo. Itago nalang natin ang propesor na ito sa pangalang, Ma'm Inferno. Pareho lang pala ito sa Dante's Inferno. Parang ako si Dante Alighieri na kailangang pagdaanan ang impyernong propesor na ito. Pero sa totoo lang, hindi nakakatawa ang propesor na ito.
Si Ma'm Inferno, siya yung Registrar ng unibersidad. Ang tingin ko rin sa kanya ay tagapagsala ng mga irreg na katulad din ng paghihiwalay ng ginto sa bato na kinakailangan pang painitin ng husto. Lahat ng pagkakamali nakikita nya. Mula sa tamang paglagay ng mga subjects hanggang sa sulat kamay mo. kahit baguhan ka sa pagiging irreg ay wala kang takas sa bangis ni Ma'm Inferno. Ewan ko ba dun, parang hindi nya nauunawaan na mahirap na ngang maging irreg. Kung sa bagay, anong pwede kong maasahan, isa lamang akong irreg eh.
At sa wakas, malapit na ako sa unahan ng pila. Sa totoo lang, hindi ko masasabing pila ito dahil medyo kalat na kami. Nakatayo kasi ang iba sa amin malapit sa pinto at naghihintay ng tawag. Hindi ko naman sila masisisi dahil sa tagal ba naman ng pila eh. Buti nalang may binigay sa aming mga # na nakalagay sa maliit ng papel para malaman namin kung pang-ilan na kami. At ayun, ako na pala yung nasa tapat ng pintuan at sumisilip sa maliit na bintanang bilog nito.
Nang makapasok na ako sa loob ng Regstrar's Office ay agad kong ibinigay ang number ko sa pila kay Ma'm Inferno kasunod nito ang registration card ko, summary of grades, at listahan ng mga idadagdag kong subjects.
Sadyang napakakumplikado ng buhay minsan.
June 16, 2009
June 15, 2009
DANTE # 2 Enrollment

Dumating ang araw ng enrollment namin. Hiwalay ang schedule ng enrollment ng mga irregular students. Bale sila ang pinakahuling mag eenroll para makapag-adjust sa matitirang bakante sa mga subjects. Hanggat maari, kailangan makakuha ka ng maraming subjects para makahabol ka sa units. Dahil ikalawang taon ko na ngayon, kailangan ko makaenroll ng 23 units. Sinabi ni Ma'm Economic Priciples sa akin nung nagshihift pa ako na dapat ay hindi ako dapat magpahuli sa pagkuha ng units kasi baka late na ako makagraduate at ang ikasasama pa ay pag nalagpasan ko ang maximum panahon ko sa unibersidad na anim na taon lamang.
Masaya ako't maraming mga subjects na nakuha ko na ang na-credit sa bago kong curriculum kaya nabawasan kahit papaano ang problema ko. Bale kukunin ko nalang yung mga Majors ko saka iba pang subjects gaya ng Political science, History101, PE at Communication Skills. Communication Skills!? Kailangan ko pa ba yun? Kung sa bagay, pwede rin akong maging call center balang araw. (Sa wakas, hindi lang Yes/No ang alam kong isagot sa mga dayuhan)
Inabot lang ng isang araw ang enrollment dito sa paaralan. Sa katunayan, ginabi pa nga kami eh. Ang masaklap pa nga dun, hindi pa ako nakakapananghalian. Kumusta naman yun, edi hindi ko na mabibilang yung sukli ko ng maayos.
Marami rin siguro hindi tatagal sa pagiging irreg dahil enrollment pa lang, bugbog ka na. Sa haba ba naman ng pila eh. At ang masaklap pa dyan ay pwede kang maubusan ng bakante sa isang subject. At kapag nangyari naman iyon, mapipilitan ka rin bumalik sa Adjustment Period para magpadagdag ng subjects.
At apat pa lamang ang nakukuha kong subjects.
Subscribe to:
Comments (Atom)