Pages

June 16, 2009

DANTE # 3 Adjustment Period(Enrollment Part II)

Ito ang tinatawag nating, Enrollment part II. Hindi na kuntento ang buhay-irreg sa iisang enrollment lamang maliban nalang kung maswerte ka.

Bale hindi ko kasi naienroll ang lahat ng subjects ko nun kaya hahabol na naman ako sa mga magpapadagdag ng subjects. Kailangan kong dumaan na naman sa napakahabang pila na ito. Tapos, ang naghihintay pa sa dulo ng pilang ito ang tatapos sa paghihirap mo. Itago nalang natin ang propesor na ito sa pangalang, Ma'm Inferno. Pareho lang pala ito sa Dante's Inferno. Parang ako si Dante Alighieri na kailangang pagdaanan ang impyernong propesor na ito. Pero sa totoo lang, hindi nakakatawa ang propesor na ito.

Si Ma'm Inferno, siya yung Registrar ng unibersidad. Ang tingin ko rin sa kanya ay tagapagsala ng mga irreg na katulad din ng paghihiwalay ng ginto sa bato na kinakailangan pang painitin ng husto. Lahat ng pagkakamali nakikita nya. Mula sa tamang paglagay ng mga subjects hanggang sa sulat kamay mo. kahit baguhan ka sa pagiging irreg ay wala kang takas sa bangis ni Ma'm Inferno. Ewan ko ba dun, parang hindi nya nauunawaan na mahirap na ngang maging irreg. Kung sa bagay, anong pwede kong maasahan, isa lamang akong irreg eh.

At sa wakas, malapit na ako sa unahan ng pila. Sa totoo lang, hindi ko masasabing pila ito dahil medyo kalat na kami. Nakatayo kasi ang iba sa amin malapit sa pinto at naghihintay ng tawag. Hindi ko naman sila masisisi dahil sa tagal ba naman ng pila eh. Buti nalang may binigay sa aming mga # na nakalagay sa maliit ng papel para malaman namin kung pang-ilan na kami. At ayun, ako na pala yung nasa tapat ng pintuan at sumisilip sa maliit na bintanang bilog nito.

Nang makapasok na ako sa loob ng Regstrar's Office ay agad kong ibinigay ang number ko sa pila kay Ma'm Inferno kasunod nito ang registration card ko, summary of grades, at listahan ng mga idadagdag kong subjects.

Sadyang napakakumplikado ng buhay minsan.

June 15, 2009

DANTE # 2 Enrollment




Dumating ang araw ng enrollment namin. Hiwalay ang schedule ng enrollment ng mga irregular students. Bale sila ang pinakahuling mag eenroll para makapag-adjust sa matitirang bakante sa mga subjects. Hanggat maari, kailangan makakuha ka ng maraming subjects para makahabol ka sa units. Dahil ikalawang taon ko na ngayon, kailangan ko makaenroll ng 23 units. Sinabi ni Ma'm Economic Priciples sa akin nung nagshihift pa ako na dapat ay hindi ako dapat magpahuli sa pagkuha ng units kasi baka late na ako makagraduate at ang ikasasama pa ay pag nalagpasan ko ang maximum panahon ko sa unibersidad na anim na taon lamang.

Masaya ako't maraming mga subjects na nakuha ko na ang na-credit sa bago kong curriculum kaya nabawasan kahit papaano ang problema ko. Bale kukunin ko nalang yung mga Majors ko saka iba pang subjects gaya ng Political science, History101, PE at Communication Skills. Communication Skills!? Kailangan ko pa ba yun? Kung sa bagay, pwede rin akong maging call center balang araw. (Sa wakas, hindi lang Yes/No ang alam kong isagot sa mga dayuhan)

Inabot lang ng isang araw ang enrollment dito sa paaralan. Sa katunayan, ginabi pa nga kami eh. Ang masaklap pa nga dun, hindi pa ako nakakapananghalian. Kumusta naman yun, edi hindi ko na mabibilang yung sukli ko ng maayos.

Marami rin siguro hindi tatagal sa pagiging irreg dahil enrollment pa lang, bugbog ka na. Sa haba ba naman ng pila eh. At ang masaklap pa dyan ay pwede kang maubusan ng bakante sa isang subject. At kapag nangyari naman iyon, mapipilitan ka rin bumalik sa Adjustment Period para magpadagdag ng subjects.

At apat pa lamang ang nakukuha kong subjects.

May 25, 2009

Dante 1 - Shiftee



"Sigurado ka na ba sa gusto mo?" tanong sa akin ni Ma'm Economic Principles.
"Opo Ma'm" ang tugon ko naman.

Narito ako ngayon sa opisina ng isa naming school administrator upang mag-shift ng kurso. Katatapos ko lang maghintay sa isang mahabang pila ng mga katulad kong guto rin lumipat ng kurso.

Ito na marahil ang pinakamakasaysayang bahagi araw ko sa buhay kolehiyo. Mga ilang oras na rin akong naghintay bago ako tawagin ng propesor pero tingin ko isang taon ko na ring hinintay ang pagdating ng araw na ito. At ayun, narito ako sa harap ni Madam Economic Principles, inaabot ang sulat ng magulang kong nagsasabing pumapayag na silang lumipat ako ng kurso. Alam kong hindi natuwa ang aking magulang nang sabihin ko sa kanila na gusto kong mag-IT. Kung sa bagay, sino ba namang magulang ang matutuwa sa isang anak na magbago ng isip matapos ang isang taong paglabas-masok sa kanyang sintang paaralan. Sayang ang mga ginastos para sa mga proyekto, reports, at pamasahe na ginugol sa taon na iyon tapos ay 'back to start' ulet. Pero hindi rin nila tinutulan ang naging desisyon ko.

"Back to start ka ulet" babala ni Ma'm Economic Principles.
"Sisikapin ko nalang po makahabol", sagot ko na parang inaasahan ko nalang na magdidilang anghel ako sa mga sinabi ko.
"Kung yan ang pasya mo, Mr. Macalibre eto na yung bago mong curriculum", sabay abot ng Curricullum sheet ko.

Pagkatapos asikasuhin ang iba pang mga papeles, lumabas na rin ako sa opisina para makauwi na rin sa wakas.

At dito nag-uumpisa ang aking kwento ng buhay irreg ni Dante Macalibr

Ang Buhay Irreg ni Dante Macalibre

"You are free to make your choices but you are not free to choose the consequences."


"A fair request should be followed by the deed in silence." - Dante Alighieri



Buhay nga naman! Lagi nalang may mga surpresa. Hindi mo alam kung anong susunod na mangyayari. Hindi aakalain na magagawa ko na yung mga hindi mo magawa dati. Parang kailang lang ay nag-uumpisa akong mag-sulat ng ABC pero nagyon naman ay gumagawa na ako ng mga pagkahabahabang mga term papers.
Lahat ng ginagawa natin sa buhay ay laging may consequence. Kapag gumawa ka ng isang desisyon, dapat handa ka na sa magiging kahihinatnan nito. Kapag nagsaya ka lamang buong tag-araw, matutulad ka kay tipaklong na namatay sa krisis ng tag-ulan. Pag nagaral ka ng mabuti ngayon, magkakaroon ka ng masaganang buhay, yung tipong may up-en-down, kotse, at malusog na pamilya.

Tao lang naman ako. May mga kahinaan din sa ibang bagay. Tulad ng karaniwang tao, nahihirapan, napapagod, natutukso, at natututo rin naman ako.

Akala ko nung bata pa ako, sa kolehiyo pa dapat gumawa ng mga malalalim na desisyon tulad na lamang ng pag-isip sa kinabukasan. Pero naituwid sa akin ng pagkakataon ang maling pilosppiya na ito.

...At sana, sa natitirang pagkakataong ito ay maitama ko ang mga pagkakamali ko

www.buhayirreg.blogspot.com